A Quest

understanding reconstructions in life

Why? Bakit?

Why? Bakit?

Ito marahil ang tanong na pinakamahirap sagutin. Sa kasalukuyan, hindi ko pa rin nasasagot ang tanong ko sa sarili na nagsisimula sa “bakit.” Pati ang ilang mga kakilala ay nagtatanong ng kaparehong tanong.

Matapos ang bagyong Ondoy, ang mga Pilipino ay nagtulung-tulong upang maibangong muli ang mga kababayang nasalanta. Kahit iyong mga nasalanta na rin, hindi pinalampas ang pagkakataong makatulong. Maraming mga puso ang nag-apoy at naging volunteers sa iba’t ibang paraan. Maraming tumulong sa pag-rerepack, ang iba nama’y tumulong maglinis. Iyong mga mas may kaya sa buhay ay siyang namahagi ng mga relief goods na irerepack at saka ipapamahagi. Maraming oportunidad, subalit patuloy na umiiral ang tanong sa sarili ko: bakit nananatili ako dito sa loob ng bahay habang ang karamihan sa mga tao ay nasa labas na’t nag-boluntaryo.

Lagi akong nakatutok sa balita. Palipat-lipat ng channel sa TV para lamang makakita ng pwedeng bagong impormasyon tungkol sa aking mga kababayan. Nakatutok ako sa kahong ito lalo na noong hindi pa bumabalik ang internet. Nararamdaman kong natutunaw ang aking puso sa mga nakikita ko at nararamdaman ko ring umiinit ang aking puwit dahil hindi ko kinakayang maupo na lang sa bahay. Ngunit hindi ito naging sapat upang ako’y lumabas at magbahagi ng oras at kamay. Bakit?

Noong una, upang hindi masira ang imahe ko ng sarili, ginawa kong dahilan ang layo ng mga alam kong maaari kong tulungan, halos lahat ay nasa QC. Noong sinabi ko sa sarili ang Red Cross sa Kapitolyo, sabi ko naman sa sarili, “maputik pa rin ang labas, hindi ko alam kung may masasakyan na’ko (walang masakyan si kuya papasok ng opisina), baha pa rin kasi sa dulo ng street namin.”

Inisip ko rin, gusto kong maranasan mag-debrief ng mga tao. Bahagi ito ng kurso ko sa kolehiyo, at mararamdaman kong ako’y tunay na nakatulong dahil nagagamit ko ang aking napag-aralan. Ngunit alam ko na nga ba talaga kung paano mag-debrief? Inisip kong sa ganitong paraan ko gustong tumulong. Marami nang nag-rerepack. Pang-lalaki ang pag-lilinis (at kung dito nga sa bahay di ako nakatulong sa pag-lilinis, sa iba pa kaya?). Ito ang para sa akin, maghahanap ako ng ganito. May nakita akong post sa Facebook ng isa sa aking mga propesor. Napag-alaman kong ang minobilize nila para sa debriefing ay mga propesor din at mga grad students. Naisip ko, baka kasi wala pa talaga akong kakayahan upang sa ganitong paraan makatulong. May nakita rin ako sa isang page sa Facebook din na ni-repost na mensahe galing sa isang propesor sa Psych ng DLSU. Nanawagan sila ng mga maaaring counselors para mag-debrief, may training sa sabado. Tinanong ko kung anong mga kwalipikasyon, wala na akong nakuhang sagot. Marahil ay di rin niya alam. Dapat ay kinuha ko ang numero at ako ang tumawag at nagtanong.

Lahat ito’y umiiral sa aking isipan. Mga tunay na nakayayamot na kadahilanan upang manatili sa bahay.

Baka naman umiiral dito ang karakter na “di nagpapadala sa agos.” Ako kasi iyong tipo ng tao na kapag sikat ang isang bagay, hindi ko ipipilit ang sarili upang magustuhan at gawin ang ginagawa ng ibang tao. Matagal na akong volunteer. Nag-vovolunteer ako kahit onti lang ang mga taong gumagawa nito, abala ako sa pag-tulong habang ang iba’y nagpapakasaya sa mga luho. Ngayon, halos lahat ng tao volunteer, kaya sa susunod na lang siguro.

Kung ganito nga ang sitwasyon, e di pinatunayan ko lang na makasarili ako. Mahal na mahal ko ang aking sarili na hindi ko kayang umalis sa aking comfort zone nang mag-isa. Makasarili pa rin ako dahil ang pagtulong ay daan patungong ibang bagay (sa pagkakataong ito, career experience) at hindi pagtulong bilang pagtulong. Iba ang pag-dama kaysa pag-gawa. Ni hindi ko nga nasagot ang tanong ng isang kaibigan: What’s keeping you busy? Wala akong maisasagot dito.

Makasarili pa rin pala ako. Ngayon, namulat na ang aking mga mata at sana’y mabawasan ko ito hanggang tuluyan na itong mawala.

No comments yet»

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: