A Quest

understanding reconstructions in life

paalam

Huling linggo ng semestre. Maraming mga gawain ang nakabinbin, naghihintay na bigyang pansin upang matapos na. Kung magmamasid, maraming iba’t ibang klase ang makikita. May kumakaripas ng takbo dahil huli na sa kaniyang pagpasok sa klase, maraming dala-dala ang kani-kanilang mga laptop upang makapagsulat ng papel habang nasa unibersidad. Marami ring mag-aaral ang nagpupunta sa mga aklatan upang magsaliksik para sa kanilang mga papel, at siyempre, hindi mawawala ang mga nakikitulog dito. Maraming mga kumpol ng mag-aaral ang nagtitipon sa mga lobby upang pag-usapan ang proyekto, at mayroon din namang grupo ng mga magkakaibigan ang nagtitipon lamang upang magpahinga mula sa tila walang katapusang requirements. Sa dinami-rami ng mag-aaral sa unibersidad, para malaman ng isang mag-aaral ang nangyari sa isa pa – kung makakasama pa ba natin siya o hindi na – kailangang malapit ang kuneksyon; hindi ang buong kolehiyo, o kahit departamento, ngunit kalimitan ay sa isang organisasyon.

Damayan – isang konseptiong pinatibay ng pagkuha ko ng Panitikang Panlipunan 50 o Panitikang Makabayan sa ilalim ni Prop. Melecio Fabros III. Ang pagiging maka-bayan (banwa o ili) ay makikita sa pag-damay sa kapwa. Sa pag-damay, may pagmamalasakit sa kapwa at may pakikiisa ng loob. Maraming paraan ng pag-damay sa kapwa, hitik sa pagkakataon ang bawa’t araw na mayroon tayo. Sa ating pag-damay, tayo’y nakikibahagi sa buhay ng isa pang tao, at siya rin nama’y nagiging bahagi rin ng ating buhay. Nakapagbabanyuhay ang pakikiramay sa kapwa, lalo na kung ito’y laging ginagawa. Nakalulungkot na kadalasan, kapag sinasabing tayo’y nakikiramay sa ating kapwa, kalimitang ibig nitong sabihin ay mayroong namaalam na malapit sa puso ng ating dinaramayan. Maaari rin namang pare-parehong malapit sa puso natin ang namaalam kaya’t ang buong grupo ay nagdadamayan.

Sa mga huling araw ng semestre, isang sorpresa ang dumating – ang pamamaalam ng isang kaibigan. Kapag mas malapit sa’yo, mas masakit. Simula pa noong isang taon, sunud-sunod ang mga kakilala kong namamaalam. Pinansin ko iyon, ngunit may nagsabi sa akin na marami naman talaga ang namamatay kada araw, nagkataon lang na marami-rami ang nakilala at nakasalamuha ko, kaya mas mulat ako sa realidad na ito. Sa bawa’t isang pamamaalam, itinatanong ko sa aking sarili, anong gustong ituro sa akin ng mga pangyayaring ito? Marahil puro ako “nalaman” lamang, ngunit hindi pa talaga natuto. Sabi nga sa nabasa ko kaninang umaga, “To look is one thing. To see what you look at is another. To understand what you see is a third. To learn from what you understand is still something else. But to act on what you learn is all that matters.” Tulad din ng laging binibigyang diin sa aking klase ng PanPil 50, praxis dapat.

Malungkot ang pamamaalam ng isang kaibigan, lalo na kung hindi talaga ito inaasahan. Binibisita tayo ng mga “sana ganito ginawa ko, dapat ganoon.” Pinagsisisihan natin ang mga nakaligtaan gawin kasama ang namaalam. Ngunit sa kabilang banda, kung naniniwala tayo sa Diyos, gusto nating maging masaya dahil magkasama na sila ngayon. Dahil wala nang iba pang pagkakataon na pagtibayin pa ang ating relasyon sa namaalam, ang mga ala-alang iniwan niya ang magsisilbing katibayan ng isang buhay na kinabahagian natin. Ang mga ala-alang ito ang papawi sa pighating nararanasan sapagka’t lagi nating maaalala kung ano ang maaari niyang sabihin o gawin sa kasalukuyan.

Lei Claudel. Hindi tayo naging tuwirang malapit, ngunit lagi kong maaalala ang iyong mga tawa’t ngiti na tunay namang nakapag-pasaya sa akin. Salamat sa pakikibahagi sa aking buhay, kahit gaano man ito kaikli. Sa kasalukuyan, tanging dasal ko, at ang humiling sa ibang taong ipag-dasal ka rin ang tanging maibabahagi ko. Nawa’y maginhawa ka na kung saan ka man naroroon, patuloy kong ibabaon ang iyong masayahing mukha.

Sa aking paglalakad sa PHAN, nagpapatuloy ang buhay ng bawa’t mag-aaral na aking nasasalubong, di alintanang pangalawang araw na wala si Kuya Collins; di alintanang may isang namaalam at di na muli kailanman makikita ang buhay na katawan sa mismong gusaling kaniyang pinaligaya. Maaaring kumakalat na rin ang balitang nagpa-iyak sa marami. Sana’y higit sa balitang pamamaalam ang maiparating: nawa’y kasama nito ang paalalang pahalagahan ang bawa’t segundong inilalagi sa mundo, na laging gawin itong makahulugan at makabuluhan.

No comments yet»

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: