A Quest

understanding reconstructions in life

2005: Magandang Mundo

Napakaganda ng paligid. Sa mataas na sikat ng araw, makikita ang kinang ng luntiang damuhan. Maririnig din ang masayang huni ng mga ibon. Nakikisabay naman ang mga dahon sa salaw ng mga huni sa pamamagitan ng hanging malamig sa aking balat. Dito sa aking paglalakad, di ko inaasahang aking makikita ang lahat ng ito.

Nakapang-aanyaya ang damuhan upang doon ako maglakad, ngunit alam kong mas nararapat maglakad dito sa lupang walang damo-tumigas na ng bahagya dahil sa dami ng taong nauna sa akin. Mas gugustuhin ko kasing maglakad na lang sa daang mabato upang makita ko ang aking dinaraanan kaysa sa damuhang balot ng misteryo.

Binagalan ko ang aking lakad upang mas makita ko ang kagandahan ng aking paligid. Naka-aaliw panoorin ang mga kunehong naglalaro sa damuhan. Sa sobrang tuwa ko ay muntik na akong matalisod. Hindi ko napansin ang nakausling ugat sa aking harapan. Masyado lang siguro akong natuwa sa mala-batang paglalaro ng mababalahibong kuneho at di ko nabigyan pansin ang aking nilalakaran.

Nagpatuloy ako sa aking paglalakad at sa pagkakataong ito, masinsin kong pinansin ang aking hinahakbangan. Maraming oras ang lumipas at ang dating bughaw na langit ay parang sinilaban. Sapat na lamang ang liwanag na iyon upang ipagpatuloy ko ang aking paglalakad. Hindi nagtagal, nakakita ako ng mala-gintong ilaw, tila galing sa isang lampara. Mukhang malapit lamang ang pinangagalingan ng ilaw na iyon kaya’t dali-dali akong lumapit sa kinaroroonan ng liwanag nang walang pag-aalin-langan.

Nakakailang hakbang pa lamang ako nang naramdaman kong tumama ang aking kanang paa sa isang matigas na bagay, dahilan upang ako’y matumba. Tila dahan-dahan akong bumagsak sa lupa, habang nakakaskas ang aking hita sa batong malaki at nagas-gas din ang aking pisngi sa isang basag na bote ng alak.

Hindi ko pa man naiiisip kung ano ang dapat kong gawin, gumalaw na ang aking katawan at umupo sa pinakamalapit na bato-ang batong nakatalisod sa akin. Tinignan ko ang aking hita-may isang mahaba at maraming maliliit na mamula-mulang guhit sa aking binti. Habang ako’y nakayuko, isang patak ng pulang tubig ang bumagsak sa aking hita-dugo pala-galing sa aking pisngi. Sinubukan ko itong hawakan ngunit dumadampi pa lamang ang aking daliri ay labis na itong kumirot. Inilabas ko ang sakit na aking nararamdaman sa pamamagitan ng pagsigaw. Sumunod naman dito ang pagbubukas ng gripo ng aking mga mata at dumaloy na ang taglay nitong maalat na tubig. Sobrang sakit, parang di ko kakayanin.
Huminto na ako sa pagsigaw, ngunit patuloy pa rin akong nabibingi sa mga nag-uunahang boses sa aking isipan. Bakit ko hinayaang madapa ako? Bakit ako dali-daliang nagtungo sa liwanag na aking nakita? Bakit hindi ako nakuntento sa gabay na ibinibigay ng lupa?

Hindi na rin ako makakita sapagkat patuloy pa rin ang pag-agos ng maalat na tubig galing sa gripo ng aking mga mata. Ako ay mistulang bingi, bulag, at pilay-walang pakiramdam, walang kuwenta. Hindi ako makarinig, makakita, at makalakad. Tila nagkaroon ako ng sariling mundo. Ang malamig na ihip ng hangin ay mas lumamig, lalong lumakas. Kasabay ng paglakas ng hangin ang pagbuhos ng malakas na ulan. Sa pagkakataong ito, nagmistulang istatwa ang aking katawan, naninigas sa lamig at sa kirot. Wala na akong maramdaman-manhid na ako.

Tumila ang ulan na kasimbilis kung paano ito bumuhos. Kasabay ng pagtila ng ulan ang pagsasara ng gripo ng aking mata. Unti-unti na ring humupa ang mga boses sa aking isipan. Ngunit nanatili pa rin ang kirot ng aking mga sugat.

Iniligid ko ang basang mga mata. Wala akong makita, ni isang tuldok ng liwanag. Pati ang lamparang aking nakita kanina ay nawala na rin. Talaga kayang hindi nagkakasabay kahit dalawang tao sa pagdaan nila sa lugar na ito?

Sinubukan kong tumayo. Maraming beses ako bumagsak at ang laging mga pagkakabagsak na ito ay naging sanhi ng mas marami pang sakit. Ngunit di ako dapat mabigo sa pagtayo. Unti-unti kong itinukod ang aking mga kamay. Sa wakas, nakatayo na rin ako. Iniangat ko ang aking paa at sinubukang humakbang, ngunit hindi pa pala kaya ng isang paa ang aking bigat. Napaupo ako sa harap ng batong aking inupuan. May napansin akong kakaiba. Dahan-dahan, inabot ito ng nanginginig kong mga kamay. May nakapa akong mga letrang nakaukit. Aking tinanggal ang iba sa mga namuong lumot at lupa upang makita ito ng mabuti. Pagkatapos ng saglit na pagtitig, nabasa ko na rin sa wakas ang naka-ukit. “Ang lahat ng nagtitiwala sa Panginoon ay makatatagpo ng ginhawa sa kanya.”

Matagal akong napatitig sa batong malaki. Natauhan ako nang bumukas nang bahagya ang gripo ng aking mga mata at muling naglabas ng maalat na tubig. Sa pagkakataong ito, hindi lamang kadiliman ang aking nakita, kundi ang magandang mundong pinagmasdan ko ilang oras lamang ang nakalilipas.
Naaamoy ko ang bango ng damo at mga dahon sa paligid kasabay ng simoy ng hangin. Ang mga humuhuning ibon ay napalitan ng mga kuliglig. Mga palaka naman ngayon ang naglalaro sa damuhang maputik na. Bakit ko ba isinara ang aking mga mata at tainga sa aking paligid? Bakit ako nagtagal sa puwestong ito?

Tumungo ako, isinara ang mga mata, at nagdasal sandali. Pagmulat ng aking mga mata ay may nakapukaw ng aking atensyon-isang mahabang sanga. Kinuha ko ito at ginamit pantukod. Ipinagpatuloy kong muli ang aking paglalakad, ang aking paglalakbay, kahit na patuloy pa rin ang pagkirot ng aking mga sugat.

Kailangan kong ipagpatuloy ang paglalakad sapagkat marami pa akong di nasisilayan. Naniniwala akong makakakita ako ng mga bagay na makapagpapabilis ng paghilom ng aking mga sugat kapag ipinagpatuloy ko ang aking paglalakad. Masyadong maganda ang mundo upang hindi magpatuloy.

No comments yet»

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: