A Quest

understanding reconstructions in life

2007: Border

“bor-der” (pangngalan) : nangungupahan ng pagkain at matutulugan
: walang pakikipag-palagayang loob sa mga kasama sa bahay
: natutulog at kumakain sa bahay ngunit hindi sa isang tahanan.
Butil-butil na ang pawis sa aking noo, habang basing-basa naman ang aking pang-itaas na damit. Mainit ang singaw ng mga sari-saring sasakyan sa lansangan. Napapaputi na rin ng mga makakapal na usok ang mga matitingkad na ilaw ng iba’t ibang tindahan sa tabi. Kahit saan ako lumingon, mga pagod na mukha ang aking nasusulyapan, sabik sa kumportableng tahanang kanilang uuwian.

“Tinatago ko sa mga kasama ko sa bahay yung charger na binibili ko, kasi kapag nakita nila yun, sigurado, di na naman tatagal, sira na naman. Kaya ako ayaw kong humihiram ng mga gamit sa kanila kasi kapag nakasira ako, bibili ako pero hindi pa rin akin. At least kapag sa akin yung gamit, kapag nasira ko, kapag bumili ako ng kapalit, sa akin pa rin. Mahirap na magpahiram, hindi naman sila umaamin kung sinong nakasira pag nasira yung gamit.”

Todo sa pagkukuwento ang aking katabi sa kulob na jeep. Nararamdaman ko kung paano niya hindi talaga kasundo ang mga kasama niya sa boarding house. Sa hindi sinasadiyang pakikinig, hindi ko mapigilang isipn, sa tagal nilang magkakasama, hindi ba sila naging magkakaibigan? Bakit parang ang dami nilang maskarang isinusuot kapag magkakasama sila? Hindi ko maintindihan kung paano hindi lumalalim ang pakikitunguhan nila sa isa’t isa gayong magkasama sila sa iisang bahay.

Hindi ko napigilan ang galak sa aking puso, galak ng isang nagpapasalamat na puso. Naisip ko, talagang pinagpala ako sapagkat di ko nararanasan ang mga ihinahayag ng aking katabi sa kaniyang kaibigan. Ipinag-papasalamat ko na mayroon akong matatawag na tahanan, kung saan pagmamahal ang namamayani. Hindi man maging perpekto ngayon, payapa ang aking kalooban na hindi pa tapos ang pag-hubog sa akin at sa mga taong nakapaligid sa akin. Payapa rin ang aking kalooban na sa pagiging magkaibigan namin ng Diyos, wala akong dapat itago. Wala akong dapat bayaran sapagkat nabayaran na Niya ito ng buong-buo ilang libo na ang nakakaraan. Kailangang iwaksi ang pag-aalala at takot na may masira sapagkat ang may-ari ng bahay, ang namamahala ng tahanan, ay Siyang tagagamot, ang aking mapagmahal na Tatay.

Butil-butil pa rin ang aking mga pawis sa noo sapagkat di pa rin nawawala ang init sa loob ng sasakyan. Batid pa rin ang mga pagod at kasabikan sa pag-tulog ng aking mga kasama. Mabagal pa rin ang aming takbo at buong-puso pa ring nagkukuwento ang aking katabi. Sa pagkakataong ito, mas nasabik pa ako sa aking nalalapit na pag-uwi, hindi upang matulog at magpahinga, ngunit dahil nasasabik na akong umuwi sa aming tahanan at mapuno lang muli ng pagmamahal na ibinabahagi ng Ama kong mapagkalinga.

No comments yet»

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: